Para kay Kian Loyd “Pulong” Delos Santos, 17 taong gulang

Ni Raymund Villanueva, Kodao Productions

Paano ba pinapalaki ang isang anak?
Pinapakain, binibihisan, pinag-aaral, pinaparangalan.
“Anak, maging mabait palagi.
Huwag sayangin ang sakripisyo ng iyong ina,

Nagpapakaalipin sa ibang bayan.”Itatakbo sa doktor kapag nagkasakit,
Ipinapaghimay ng ulam sa hapag.
“Anak, kumain kang mabuti para laging malusog.
Mamaya, huwag kang hahara-hara sa daan,
Maraming masasamang-loob diyan sa labasan.”

Binibihisan ang bunso, sinusuklayan
Sinisigurong pumapasok sa paaralan at binibilinan.
“Anak, mahirap lang tayo, walang kayamanan.
Pag may nangyari sa iyo, Pulong, wala tayong kakayanan,
Delikado lalo ngayon, baka pati ika’y mapagkamalan.”

Tinatangisan ang anak kapag napaslang.
Higit lalo ‘pag biktimang walang kalaban-laban.
“Anak, bakit ka nila pinatay?
Paano na ang iyong pangarap,
Maging pulis at maglingkod sa bayan?”

At mula sa kabaong ay sumagot ang anak,
Nananaghoy ng katarungan.
“Itay, sinunod ko lahat ng inyong tinuran.
Sadya lamang, hindi lahat ng Pulong ay binibiyaan.
Hindi kasi Digong ang inyong pangalan.”

19 Agosto 2017
12:11 n.h.
Lungsod Quezon

You May Also Like

One thought on “Para kay Kian Loyd “Pulong” Delos Santos, 17 taong gulang

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *